Tuesday, September 20, 2016

Malawakang Paggamit ng Social Media, Wikang Filipino ang Nasisira

                Hilig ng mga Pilipino ang makihalubilo sa kung ano ang mga patok na patok at kinasasang-ayunan ngayon ng madla lalo na’t na sa estado na tayo ng modernisasyon sa kasalukuyang ating ginagalawan. Talamak sa ating isipan na ang wika ay isang mahalagang aspeto sa ating kultura. Ito ang nagsisilbing susi sa hindi pagkakaunawaan at pagkakaisa ng bawat tao. Ngunit, lingid ba sa inyong kaalaman ang pagbabagong nagaganap sa ating wika sa ating lipunan? May pagkakaisa pa rin bang nai-uugnay ang bawat Pilipino sa isa’t-isa, kasabay nang pagyabong ng makabagong teknolohiya? Ano ba ang makabagong teknolohiya sa atin? Gabay tungo sa kaunlaran o isang hadlang upang tayo’y ‘di magkaunawaan?
                Sa ating ikadalawampu’t isang siglo, higit na umusbong ang makabagong teknolohiya na tila ba ay kada taon ay may mga papatok sa social media. Nang umusbong ang mga uri ng social media tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at Youtube, tila ba’y halos lahat ng mga Pilipino ang nakatutok dito lalong-lalo na ang mga kabataan. Dulot nito, unti-unti na nating nakakalimutan ang ating kultura at kaugaliang Pilipino at ang labis na naapektuhan ay ang ating Wikang Filipino.
          Jejemon, bekimon, balbal, kolokyal, at mga salitang kalye, iilan lamang ito sa mga nakakaapekto sa ating wika na dulot ng pag-usbong ng teknolohiya. Taong 2010, umusbong ang mga cellphone kasabay ng pagsilang ng jejemon. Ngunit, tila ba’y hanggang ngayon marami pa ring jejemon ang naiwanan na ng panahon dahil sa mga kabataan na patuloy pa ring tumatangkilik dito.



             Bilang kabataang mapagmahal sa ating wika at kultura, sana naman  ay huwag nating hayaang tuluyan nang lamunin ng sistema ng modernisasyon ang ating kulturang kinagisnan. Sapagkat, ang kultura ay isang napakagandang handog mula sa ating Poong Maykapal dahil sinasalamin nito ang ating wika at nagsisilbing pundasyon ng ating bansa.

                 Huwag na huwag nating pakahayahan na dumating ang panahon na kilalanin natin muli ang ating sariling pagkakakilanlan. Hindi pa huli ang lahat, sapagkat may magagawa pa tayo. Gamitin natin ang konsepto ng modernisasyon sa mabuting paraan upang muli nating maibalik ang ganda at halaga ng wika at kulturang minsan nang naibaon sa limot dulot ng labis na pagkahumaling sa makabagong teknolohiya.